Tuesday, June 24, 2014

Paghahandog ni Noel Cabangon



          Isa itong awiting pansimbahan. Ang mensahe ng awiting ito ay ang paghahandog ng sarili sa Panginoon. Ang pagsusuko ng lahat ng materyal na bagay sapagkat ito ay galing sa Panginoon, pati na ang katawang tao. Awitin rin ito ng kapakumbabaan sa Panginoong nagdulot ng lahat ng bagay. Pagpapangako na kayang gawin at isakripisyo ang lahat upang matamo ang pag-ibig at awa ng Mahal na Panginoong ating Diyos.

          Bagaman ito ay nabibilang sa liturgical music, mayroon pa rin itong katangian na katulad ng sa mga awiting OPM. Mayroon itong pagka rock & ballad. Ang mga ganitong awiting pansimbahan ay maaring gamiting pang anyaya sa mga taong nalalayo ang loob sa simbahan o nawawalan ng gana sa pagsisimba. Dahil mayroon itong katangian na katulad sa mga modernong kanta, nakukuha nito ang kiliti ng masa.

          Nag-uumapaw ang emosyon sa awiting ito, ramdam na ramdam ang pagsusuko ng sarili sa Diyos. Pagsuko na bukal sa kalooban at walang pagdududa. Dahil sa Diyos nating totoo ay walang imposible kung magtitiwala ka at siguradong hindi ka niya bibiguin. Siya ang nakakaalam ng mas nakabubuti para sa atin.

Tuesday, June 17, 2014

You and I by One Direction



          Ang awiting ito ay nakalaan para sa mga magkarelasyong  humaharap sa mga problema. Mga problemang tila hindi na mahahanapan ng solusyon. Nasa punto na na nagdadalawang-isip na  sumuko na at wag nang ipaglaban pa ang relasyon. Pero ayaw nila maging gaya ng ibang magkarelasyon na basta lamang sumuko at naghiwalay. Handa silang ipaglaban at ipagpatuloy pa ang kanilang relasyon hanggang sa katapusan ng mundo.

          Nabibilang ang awit na ito sa genre na slow-rock. Kapag ito ay inaawit ay tila ba umiiyak o naghihinagpis. Mararamdaman ang lungkot at ang isinisigaw ng lubusang nasasaktang puso. Mararamdaman rin dito ang pagkakaroon ng pag-asa sa likod ng lahat ng pinagdadaanan. Naniniwala sila na kaya pa nilang ayusin ang lahat at walang makapaghihiwalay sa kanila, kahit na pati ang mga dyos at dyosa at walang maaring maging dahilan ng paghihiwalay nila.

          Sa panahon natin ngayon, tila pangkaraniwan na lang kapag naghiwalay  ang iyong magkarelasyon. Hindi na ito bago sa pandinig ng mga tao. Marami sa atin ay ginagawa na lamang itong isang laro. Mangilan-ngilan na nga lang siguro ang seryoso pagdating sa relasyon, ang handang ipaglaban ang nararamdaman.

Friday, June 6, 2014

Lazy Song ni Bruno Mars

          Ang komposisyon na ito ay awit para sa mga taong nawawalan ng gana na kumilos. Walang ganang kumilos o gumawa ng kahit ano sa buong maghapon. Ang tanging nais lamang gawin ay humiga sa kama at manood ng telebisyon. Katamaran na hindi malaman kung saan nagmumula. Mula pagbangon sa kama sa umaga ay wala ng enerhiya at gana na kumilos.

          Pamuni-muni lamang ang mood ng awitin na ito. Mararamdaman ang pagkatamad. Walang masyadong enerhiya. May pagka-reggae ito sa unang pakinig ngunit ito ay isang uri ng pop song. Dahil sa mga mapaglarong nota ng awiting ito ay mapapagalaw ang iyong ulo. Noong unang beses na napakinggan ko ito ay para bang nakawawala ng gana. Tila ba nakahihigop ito ng enerhiya o masasabi na rin na ako ay biglaang tinamad.  


          Ang pagkawala ng gana na kumilos para simulan ang maghapon ay maaring magdulot ng isang araw na masasayang lamang. Oo hindi maiiwasan ang mga ganitong sitwasyon pero wag nating kakalimutan na tayo pa rin ang magpapasya kung ano ang mangyayari. Tayo ang magpapakilos sa sarili natin. Simulan natin ang umaga sa pagiging masiyahin, sapagkat ang isang umaga ay isang panibagong simula.

Thursday, June 5, 2014

Out of My League ni Stephen Speaks




          Ang awiting ito ang pagtatala ng mga bagay na natipuhan ng isang lalaki sa isang babae. Nakatuon ang liriko sa pisikal na katangian ng babae. Ang mga mata at buhok nito na kaakit-akit ay ang nagiging dahilan upang lalo pa siyang mahalin ng lalaki. Sinasabi din dito na minamahal siya ng lalaki ng buong puso at pagkatao sapagkat siya lamang ang napapansin at ang tanging gustong pansinin.
         
          Ang tono ng awiting ito ay puno ng pag-ibig. Pagiging masaya sa bawat sandali na magkikita sila ng kanyang taong minamahal. Angkop awitin ito sa saliw ng piano. Maganda ang pagkakaayos ng piyesang nakalaan para sa piyanista, tila ba may mga mapaglarong mga nota.

          Isa sa mga magandang katangian na magkaroon ang isang tao ay ang pagkakaroon ng magandang mga mata. Dahil sa lahat ng parte ng katawan ay iyon ang unang nakikita ng ibang tao. Kapag nakikipagusap o kahit na bumabati lamang ng isang tao. Isa itong kalamangan sa ibang hindi napagkalooban ng magandang mga mata. Sa mga mata nakikita ang kalooban ng isang tao, at pati ang mga nararamdaman. Sa mga mata makikita kung masaya o malungkot. Sa mga mata rin makikita kung handang magmahal ang isang tao. Tila totoo ang kasabihan na, “ang mga mata ang pintuan ng kaluluwa” sapagkat sa pamamagitan nito ay nalalaman ang mga bagay na hindi nababasa sa mga letra at kilos.