Monday, April 28, 2014

Pusong Bato By Aimee Torres



          Ang awit na ito ay una inilunsad sa publiko noong 2003, ngunit hindi ito pumatok. Matapos na
i-post ni Angelito Paudan sa internet ang bersyon ng awit na ito ni Lexter Jimenez ay nag-“Viral” ito sa YouTube. Dahil sumikat ito, isinama ito ng Star Records sa album na “The Original Pusong Bato”. At ginamit din ito bilang isang background music ng isang sikat na teleserye ng ABS-CBN na may pamagat na Juan Dela Cruz.
          Ang daloy ng awit ay may kinalaman sa hinanakit ng isang taong lubusang nasasaktan dahil pinaasa lamang siya ng kanyang minamahal. Noong nakilala niya ang babae ay inakala niyang magiging langit na ang buhay nya, ngunit magiging sakit lamang pala ito ng ulo. Ang koro ay nagsasabi na kung muling iibig ay sana hindi na katulad ng nanakit sa kanya. Tulad niya na may pusong bato.
          Ito ay isang uri ng Rock & Ballad o mas kilala sa tawag na R&B. Ang tono ay puno ng emosyon. Napakaganda ng pagkakasaayos ng mga nota nito. Nakalulungkot na marami ang nakokornihan sa awit na ito dahil sa sobrang lalim ng lyrics nito. Ngunit ang korning tunog na nagmumula sa lalim ng emosyon  ang malamang na naging dahilan ng pagsikat nito. Hindi ito nakasanayang patugtugin kapag nagmu-mukmok taliwas sa mensahe nito. Madalas itong patugtugin kapag nagkakatuwaan, dahil para sa iba nakakatawa ang lyrics nito. Umabot muna ng halos isang dekada bago ito makilala ng marami. Ibig sabihin ay hindi lahat ay dumarating agad-agad, kailangan ng konting pasensya dahil lahat ay dumarating sa tamang panahon.

Kanlungan By Noel Cabangon



          Si Noel Cabangon ay isang Pilipinong mang-aawit at kompositor, dating miyembro ng bandang Buklod. Kilala si Noel sa paglikha ng mga awit na sumasalamin sa lipunan. Halimbawa na ang Kanlungan at Tatsulok. Ang koro ng awit na ito ay nagsasabi na ang bawat pagkakataon ay dumarating minsan lamang sa buhay ng isang tao. Oo maaring may ikalawang pagkakataon ngunit ito ay hindi na katulad ng nauna. Ipinapaalala rin na ang kahapon ay hindi na maaring balikan. Maaari  itong alalahanin o hanap-hanapin, ngunit ang mga bagay na nagawa na ay hindi na maaring gawin ulit.
          Ang tono ng awit na ito ay nakaka-aliw sa tainga. Relaxing at nakararating sa puso? Mapapaisip ka talaga sa mga alalaalang hindi mo makalimutan at sa mga pagkakataong nasayang. Ako, halimbawa, bilang isang  nagbi-binata, ay panahon na para magpaalam sa pagiging bata. Isang batang walang pakialam sa kung anuman ang isipin ng iba, basta ang importante sa isipan ng isang bata ay ang sumaya siya.
          Marami sa mga alaalang masarap balikan ay yung pagkabata. Tamang pana-panahon lang ang mga pagkakataon. Kaya tamang lubus-lubusin na ito habang hindi pa huli ang lahat. Upang sa huli, marami tayong aalalahanin at hindi manghihinayang sapagkat nabuhay ng masaya.

Friday, April 18, 2014

Magbalik By Callalily




          Ang callalily ay isang bandang tumutugtog ng Alternative Rock. Binubuo ito nila Kean Cipriano, Tatsi Jamnague, Aaron Ricafrente at Lemuel Belaro. Maraming komposisyon ang pinasikat ng bandang ito.
         Ang bawat linya ay puno ng kalungkutan. Mga linyang naglalahad ng mga hinanakit ng isang taong bigla na lamang iniwan ng minamahal. Tila ba pagkatapos ng isang kisap mata ay nawala na ang pag-ibig para sa kanya. Isa na lamang ang natitirang nagmamahal, at wala siyang magawa. Pero kahit hindi na sya minamahal ay mamahalin pa rin nya ito habang buhay. Tulad ng ilog na hindi tumitigil sa pag-agos at mundong hindi tumitigil sa pag-ikot ang pag-ibig niya ay kahit kailanman at anuman ang mangyari ay hindi matatapos.
          Ang awit ay isang uri ng alternative rock. Mayroon itong sweet na tono at mapapasabay ng galaw ang ulo ng isang nakikinig sa taglay nitong beat. Bagaman sweet ang tono nito, may halo pa rin itong paghihimutok na angkop sa mensahe nito. Noong bago pa lamang ang awit na ito ay madalas itong maririnig kahit saan. Sa palengke, karaoke, videoke, radyo at telebisyon. Ngayon ay bihira na lamang itong marinig. Bagaman hindi lahat ay nagtatagal ng panghabang panahon, tulad ng iba nagkaroon ito ng oras at panahon ng kasikatan.