Friday, April 4, 2014

Masdan ang Kapaligiran By Asin




        
  Ang awit na ito ay isang awit na naglalayong gisingin ang mga mamamayan sa patuloy na pagkasira ng kalikasan. Marami nang nagbabago sa klima. Nauubos na ang mga puno. Ang dumi na ng mga ilog at dahil sa polusyon. “Hindi nga masama ang pag unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan.” Kakambal na nga ba talaga ng kaunlaran ang polusyon? Napakaganda ng mga titik ng awit na ito.

          Ang tono nito ay may pagka country song at folk-rock. Puno ng emosyon na angkop sa titik nito. Sa pambungad ay aakalain mong may paparating na bakero. Sa ngayon ay hindi ko na naririnig na may nagpapatugtog nito, kahit sa radyo. Narinig ko ang awit na ito sa isang programa sa telebisyon at nagandahan ako sa mensahe ng awit. Kaya naman hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakakalimutan.

          Isa ito sa magagandang awit na likha ng musikerong grupo na kilala bilang Asin. Ang kanilang mga awit ay hango sa mga pangyayaring nagaganap sa paligid. Sinasabi rin sa awit na ito na kung papadumi na ng papadumi ang hangin ay mayroon pa bang malalanghap ang mga batang ngayon palang isisilang? May ilog pa ba silang malalanguyan? Hihintayin pa ba nating umabot na sa sukdulan ang lahat bago pa tayo gumawa ng solusyon? Oo may kumikilos na pero ano ang magagawa mo para maging bahagi nito sa paraan na naaayon sa iyong kakayahan?

No comments:

Post a Comment